PROTEKTAHAN ang kapakanan ng manggagawang Filipino.
Ito ang giit ni reelectionist Senator Nancy Binay sa panawagan niyang “total ban” sa pagpagpasok ng mga trabahanteng Tsino o Chinese construction workers, pati na rin ang ibang lahi, partikular sa infrastructure projects ng gobyerno.
Ayon kay Binay, hindi patas at disadvantageous sa mga manggagawang Filipino ang polisiya at kasunduan na nakatali sa utang natin sa China na ginagawang requirement ang pagkakaroon ng Chinese workers.
Dagdag ni Sen Binay, ‘di katanggap-tanggap ang dahilan ng Palasyo na kailangan ng Mandarin-speaking Chinese laborers dahil puro Chinese characters ang nakasulat sa mga equipment.
At kung nasa salitang Chinese o Japanese man ang mga pinaaandar na makina’t equipment, sapat na ang isang interpreter para punan ang communication gap.
Sinabi rin ni Binay, pangako ng administrasyon ang pagbibigay ng trabaho sa mga Filipino mula sa flagship program na Build, Build, Build.
Hindi umano matutupad ang pangakong ito kung magkakaroon ng pagkiling sa dayuhang manggagawa dahil sa mga kondisyon na nakalakip sa mga official development assistance (ODA) loans.
(NIÑO ACLAN)