MATUNOG na naman sa mga balita ngayon ang pangalan ni Janet Lim-Napoles, na binansagang “Pork Barrel Queen” na inakusahang kumurakot sa P10 bilyong halaga ng pondo ng taongbayan, kasama ang mga kasabwat na senador at kongresista.
Naungkat itong muli nang magpahayag ng opinyon si Patricia Moreira, managing director ng Transparency International, isang pandaigdigang organisasyong sumusuri ng pananaw ng mga tao tungkol sa korupsiyon sa pamamagitan ng “Corruption Perceptions Index.”
Ilan sa mga kongresista ay tumatakbo ngayong eleksiyon kaya’t pinapaalalahanan na maging mapagmatiyag ang mga Filipino sa pagboto.
Hiling din ng grupo na dapat ay muling mailabas ang listahan ng mga kandidato na sangkot sa mga pekeng foundation na naging ugat ng korupsiyon noong panahong namamayagpag si Napoles. Grabeng pinsala ang idinudulot ng korupsyon sa isang demokrasya dahil nagbubunga ito ng isang “vicious cycle” na lalong nagpapahina sa mga sangay ng gobyerno at mga institusyong dapat sana’y nagbabantay kontra rito.
Iniulat din ng nasabing organisasyon, tumanggap ang Filipinas ng score na 36/100 para sa taong 2018, katulad ng mga bansang Albania, Bahrain, Colombia, Tanzania, at Thailand.
Bagaman bahagyang umangat ang score ng Filpinas mula 34 noong 2017, nababahala pa rin ang organisasyon dahil hindi man lang umabot sa kalahati ng 120 bansa sa buong mundo.
(NIÑO ACLAN)