PARA magkaroon ang bawat pamilyang Navoteño ng lugar para makapag-bonding at makapag-ehersisyo, sinigurado ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang isang bahagi ng Radial Road 10 (R10) at idineklara ito bilang Family Zone.
Ayon sa City Ordinance No. 2018-23, isasarado ng lungsod ang kahabaan mula Navotas bus terminal hanggang sa Old Fishport Road tuwing Linggo mula 5:00 am hanggang 8:00 am
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Navotas Family Zone, binigyang-diin ni Mayor John Rey Tiangco ang kahalagahan ng pagkakaroon ng open spaces sa lungsod.
“Importante ang pagkakaroon ng open spaces sa kabuuang kalusugan ng bawat Navoteño. Sa paglulunsad natin ng ating Family Zone, binibigyan natin ang bawat pamilyang Navoteño ng lugar kung saan sila puwedeng mag-bonding pati na mag-bike, tumakbo at gumawa ng pisikal na aktibidad,” aniya.
Sabi ni Tiangco, umaasa siyang makatutulong ang Family Zone para maging mas malapit ang mga magulang sa kanilang mga anak at mapatatag ang relasyon ng mga pamilya.
Ang launching ceremony ay nagtampok ng zumba marathon na nilahukan ng family-beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga miyembro ng C4 Aero-Taebo Civic Organization, at ng Navotas Funbikers Association.
Matapos ang programa, tumungo si Tiangco, kasama si Vice Mayor Clint Geronimo at iba pang opisyal ng lungsod, sa Navotas Centennial Park at naglaro ng patintero at 3-on-3 shootout. Nagpahayag din siya ng plano na magsasagawa ang lungsod ng lingguhang aktibidad sa Centennial Park tulad ng Guhit Pinas-Navotas art jam, Philippine game tournament, basketball clinic kasama ang Navotas Clutch, at iba pa. (JUN DAVID)