KANYA-KANYANG gimik at diskarte ang mga tumatakbong senador sa unang araw ng kampanya.
Ang nangunguna sa mga survey na si reelectionist senator Grace Poe ay nagpakain ng mga mag-aaral sa Payatas, Quezon City.
Si misis hanepbuhay Cynthia Villar ay dumalo sa kick-off rally ng Hugpong Ng Pagbabago (HNP) na pinamumunuan ni presidential daughter at Davao Mayor Sara Duterte.
Kasama ni Villar sa kick-off rally sa Pampanga sina reelectionist senators Aquilino “Koko” Pimentel III, JV Ejercito, at Sonny Angara.
Hindi naman nagpahuli si reelectionist senator Nancy Binay na sinabing ‘karamay’ ng bawat mamamayang Filipino sa kanyang unang bugso ng kampanya sa pamamagitan ng motorcade sa iba’t ibang barangay sa San Jose del Monte, Bulacan.
Kasama ni Binay sina Angara at Ejercito gayondin si dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Sumama sa pag-iikot ng Otso Diretso si reelectionist senator Bam Aquino at ang nagbabalik na si senador Mar Roxas.
Nasorpresa ang lahat nang magtaasan ng kamay sa iisang entablado sa Pampanga sa kick-off rally ng HNP sina Ejercito at kapatid na si dating senador Jinggoy Estrada.
Kasama rin nila sa grupo ang nagbabalik na si Senadora Pia Cayetano, ang kilalang malalapit sa Pangulo na sina Bong Go, Ronaldo “Bato” dela Rosa, at Francis Tolentino gayondin sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos, nagbabalik na si Ramon Bong Revilla, Jr., ang kilalang mamamahayag na si Jiggy Manicad, at Dong Mangandadatu.
Isinusulat ang istoryang ito’y hindi matukoy kung saan nangampanya o nag-ikot ang nagbabalik na ‘Leon Guerero’ ng senado na si Lito Lapid, na kamamatay lang sa kanyang karakter na Pinuno sa teleseryeng “Ang Probinsyano.”
Samantala tiniyak ni Poe na makakasama niya sa ilang ikot niya ang ilang tumatakbo rin at isa rito si dating senador Sergio Osmena III.
Kasamang nangampanya ng Otso Diretso bukod kina Aquino at Roxas ay sina senatoriables Romy Macalinral, Gary Alejano, Erin Tañada, Pilo Hilbay, Samira Gutoc at Chel Diokno. (NIÑO ACLAN)