WALANG iba kundi si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsalita kay dating House Majority Floor Leader Rolando Abaya Jr., na tigilan na si Budget Secretary Benjamin Diokno.
Sa pahayag na ipinalabas ng Palasyo, bagamat inirerespeto umano ng Pangulo ang awtonomiya ng House of Representatives ay sinabihan si Andaya na tigilan ang ‘paninira’ sa pamamagitan ng media propaganda na may layuning wasakin at sirain ang imahen at reputasyon ni Diokno.
Ito ay matapos at kasunod din nang mapatalsik si Andaya sa kanyang puwesto bilang majority floor leader na pinalitan ni Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro.
Samantala, agad nagpaabot ng pagbati si Palace spokesman Salvador Panelo kay Castro matapos maitalaga bilang bagong house majority leader.
Matapos mapatalsik si Andaya sa kanyang puwesto ay pinagkalooban siya ng pagiging pinuno ng Appropriations Committee kaya tuluyang nawala sa kanyang mga kamay ang committee on rules.
Magugunitang ang House committee on rules noong pinamumunuan pa ni Andaya ay ilang beses nagsagawa ng pagdinig ukol sa isyu ng umano’y corruption sa budget at mga flood control project na ang layunin umano ay ipahiya at wasakin si Diokno.
Ngunit hindi naniniwala ang ilan na wala siyang hurisdiksiyon sa isyu na isa rin sa mga sinasabing dahilan ng kanyang pagkakatalsik sa puwesto.
Nauna rito, nanawagan si Bicol congressman LRay Villafuerte ng agarang pagpapatalsik kay Andaya bilang majority leader matapos ang mga pagdinig.
Para kay Villafuerte, maituturing na isang ‘deflective measure’ matapos ibunyag ni Senador Panfilo Lacson na mayroon siyang nadiskubreng ‘anomalous insertions’ para sa panukalang 2019 national budget na ang nakikinabang ay pawang mga kaalyado ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Nitong Lunes ay pinagtibay ng Senado ang P3.7 trilyong 2019 national budget na inihain ni Diokno.
Umaasa si Diokno na matatapos at maaaprobhana sa lalong madaling panahon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng bicameral conference committee ang iisang bersiyon ng 2019 national budget.
ni NIÑO ACLAN