TINIYAK ni Senate Committee on Finance Chairman Loren Legarda na prayoridad ng senado sa pagbubukas ng sesyon ngayong araw Lunes, 14 Enero, ang pagpasa sa lalong madaling panahon ng 2019 proposed national budget na nabigong maiapasa noong Disyembre dahil sa umano’y kakapusan ng panahon kaya re-enacted ang budget ngayong buwan ng Enero.
Ayon kay Legarda, hindi niya sasayangin ang pagsasagawa ng marathon session para tiyaking maipasa bago matapos ang buwan ng Enero ang 2019 national budget.
Tiniyak ni Legarda, sa pagbubukas ng sesyon ay tatalakayin ang mga panukalang pondo ng mga sumususnod na ahensiya o kagawaran ng pamahalaan gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Tourism (DOT), Department of National Defense (DND), Department of Health (DOH), Bureau of Immigration, Commission on Elections (COMELEC), Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Nais ni Legarda na matapos at mapagtibay ng senado ang panukalang budget hanggang sa 21 Enero nang sa ganoon ay makapagsagawa ng bicameral conference committee ang dalawang kapulungan at mapagtibay ang iisang bersiyon sa 6 Pebrero, ang huling araw ng sesyon bago tulutyang magbakasayon uli ang mga mambabatas.
“We aim to have the budget signed by the President by the second week of February,” ani Legarda.
Tiniyak ni Legarda na isang makabuluhan at kapaki-pakinabang na pambanasang pondo ang pagtitibayin ng senado para sa maayos na pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan at maisakatuparan ang lahat ng programa ng pamahalaan para sa pagpapalago ng ekonomiya lalo’t ito ay pawang hinimay isa-isa ng mga senador.
“While pressed for time, we will perform our duty to pass a budget that is geared towards our collective desire to provide our people with programs and services that would usher in personal growth, community development and national progress. We want to ensure that every peso from the people’s taxes go back to them through actual delivery of services and programs,” dagdag ni Legarda.
Samantala sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, walang dahilan ang pamahalaan para hindi ipagkaloob ang dagdag na suweldo sa mga manggagawa ng pamahalaan lalo’t mayroong sapat na pondo sa kabila ng re-enacted budget.
Iginiit ni Drilon na tanging si Pangulong Rodrigo Duterte ang makapag-uutos kay Department of Budget and managment (DBM) Secretary Benjamin Diokno na ilabas ang pondo para gamitin sa dagdag na sahod ng mga kawani. (NIÑO ACLAN)