MAHIGIT 50 drayber ng motorsiklo ang dinakip ng awtoridad dahil sa paglabag sa ordinansang mahigpit na ipinagbabawal ang malakas na ingay dahil sa pagtatanggal ng muffler sa motorsiklo na ipinatupad ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa.
Karamihan sa mga kabataang riders na dinakip sa pagsalubong sa bagong taon ay lumabag din sa hindi pagsusuot ng helmet, at pagmamaneho nang walang lisensiya ayon kay Danilo Manera, assistant supervisor ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB).
Ayon kay Manera, ang trabaho nila, hulihin ang open mufflers ng motor na may P2,500 multa sa paglabag sa ordinansa.
Ini-impound rin ang mga motorosiklo ng ilang drayber na walang lisensiya.
Matagal nang ipinatutupad ng pamahalaang lokal sa pamumuno ni Mayor Jaime Fresnedi ang pagbabawal sa paputok batay sa umiiral na City Ordinance No.14-092.
Naging mapayapa ang pagsapit ng bagong taon sa Muntinlupa at walang iniulat na untoward incident ayon sa pulisya. (MANNY ALCALA)