MARAMING tagamasid pampolitika ang nagsasabing base sa resulta ng mga survey noong nakaraang Nobyembre, tiyak na magiging No. 1 Sen. Grace Poe kung ngayon gaganapin ang halalan.
Para kay STORM Consultants strategist Perry Callanta, malaki pa rin ang batak ng yumaong aktor na si Fernando Poe, Jr. (FPJ) kaya si Poe pa rin ang iboboto ng kanyang mga tagahanga, lalo sa Mindanao.
“Performance wise, maganda ang mga nagawang batas ni Sen. Grace Poe tulad ng 10-taong validity ng ating pasaporte at ang libreng feeding program para sa public elementary schools,” diin ni Callanta.
“Dagdag pa rito ang kanyang pet bill na First 1,000 Days Program na nilagdaan kamakailan ng Pangulong Duterte para sa mga buntis at nutrisyon ng lahat ng bata hanggang two years old.”
Sinabi naman ni Albert Gamboa ng NextGen Multi-Media Group, maganda ang panukala ni Poe na Balik-Scientist Act na nagbibigay insentibo sa mga siyentistang Filipino na magbabalik para maglingkod sa ating bansa.
“Kailangan na talagang mengganyo ang Filipino scientists na maglingkod naman sa Filipinas,” ani Gamboa. “Gusto ko rin ang panukala niyang SSS Act para pagtibayin at madagdagan ang benepisyo ng lahat ng miyembro ng Social Security System.”
Kabilang sa mga batas na ipinanukala ni Poe na umiiral na ngayon ang 10 taong validity ng drivers’ license, libreng text alerts ng National Disaster Risk Reduction ang Management Council (NDRRMC) kapag may bagyo, matinding parusa sa carnapping at pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act.
Isinusulong din niya ang libreng Wifi, maaayos at walang bayad na comfort room sa mga terminal ng bus, Child Safety in Motor Vehicles Act, Social Media Awareness ng mga school laban sa fake news, Student Fare Discount Act, may bayad na on the job training sa gobyerno at Public School and State Universities and Colleges (SUC) Modernization.