MALAKING suporta sa mga mambabatas na nagsusulong ng panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana para sa medical purposes ang pagpabor ni Miss Universe Catriona Gray sa isyung ito, ayon sa isang party-list lawmaker nitong Lunes.
Sinabi ni Kabayan party-list Representative Ron Salo, isa sa may-akda sa House Bill 6517 o panukalang “Philippine Compassionate Medical Cannabis Act” ang pahayag ni Catriona sa Miss Universe 2018 final round ay magpapabilis sa pagsasabatas sa nasabing panukala.
“As a health advocate, I support this measure as this will provide compassion and better quality of life to patients suffering from debilitating medical conditions,” ayon kay Salo.
Ang mga karamdaman na maaaring makatulong ang medical marijuana bilang lunas ay kinabibilangan ng cachexia, seizures, gayondin ang characteristic ng epilepsy, o severe and persistent muscles spasms, kasama na ang may kinalaman sa multiple sclerosis, ayon sa mambabatas.
Si Catriona ay itinanghal bilang Miss Universe 2018 sa Thailand nitong Lunes, siya ang ika-apat na Filipino na nanalo ng prestihiyosong titulo.
Sa ginanap na unang round ng Question and Answer Portion, itinanong kay Catriona ang hinggil sa kanyang opinyon sa legalisasyon ng marijuana.
“I am for it being used in a medical use, but not so for recreational use because I think if people were to argue, what about alcohol and cigarettes? Everything is good but in moderation,” kompiyansang tugon Catriona.
Ang House Bill 6517 ay inaprobahan sa committee level at itinakda na para sa plenary deliberations, ayon kay Salo.
Si Isabela Representative Rodolfo Albano III ang principal author ng nasabing panukala.
HATAW News Team
4TH PINAY MISS U BINATI NG PALASYO
NAGPAABOT ng pagbati ang Palasyo sa pagkakapanalo ni Catriona Gray na itinanghal bilang 2018 Miss Universe.
Si Catriona, ang ikaapat na Filipina na nakoronohan bilang Miss Universe. Una si Gloria Diaz noong 1969, si Maria Margarita Roxas-Moran Floirendo noong 1973, Pia Wurtzbach noong 2015, at ngayong 2018 si Gray.
Sa inilabas na statement ni Presidential Spokeperson Salvador Panelo, sinabi niyang walang dudang ipinamalas ni Gray ang kanyang kompiyansa at talino sa nabanggit na pandaigdigang patimpalak.
Ipinakita aniya ni Gray sa buong mundo na may kakayahan ang mga Filipino na abutin ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagsisikap at determinasyon.
Aniya, muling inilagay ni Gray ang Filipinas sa pandaigdigang mapa dahil sa angkin niyang kagandahan at gilas na kahalintulad sa maraming magagandang tanawin at nakabibighaning isla.
Muli rin umanong maipagmamalaking tayo ay mga Filipino kasunod ng karangalang bitbit ni Catriona Gray dahil sa pagkakapanalo niya sa Miss Universe 2018.
(ROSE NOVENARIO)
PANALO NI CATRIONA PINURI NG SOLONS
IPINAGKAKAPURI ng mga kongresista, sa pangunguna ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ang pagkapanalo ni Catriona Gray sa Miss Universe Pageant kahapon.
Ayon kay Arroyo nararapat na manalo si Gray.
“You’ve made us all proud, Catriona Gray! Congrats on your much-deserved win as #MissUniverse2018,” ani Arroyo.
“The intelligent, hardworking, and compassionate Filipina is truly world-class. May your example inspire others to reach for their dreams,” dagdag niya.
Ayon kay Albay (2nd district) Rep. Joey Salceda, ang kababayan niyang si Gray ay sanay maghanda sa lahat ng mga kandidato sa Miss Universe.
“Truly an Albayana, she was the most prepared candidate ever – if you prepare to fight calamities, the more you are prepared for victory,” ani Salceda.
“She is regal as Mayon is majestic. She is beautiful, truly Daragang Magayon. The entire Albay is happy and proud of her achievement as proud she is of her roots. I worked with Catriona in her previous quests and she was excited about her role as tourism champion for Albay,” dagdag ni Salceda.
Sa panig ni Leyte Rep. Yedda Marie Kittilstvedt-Romualdez, isang dating Binibining Pilipinas International noong 1996, nagbigay dangal at gloria si Gray sa mga Filipino.
“You deserve the crown Catriona Gray, the Ms. Universe 2018. Your victory is a testament to the faith and resiliency of the Filipino spirit. The resounding triumph of Gray demonstrates to the world the hard work, courage, and strength of Filipinos as trademarks in winning the battle. Congratulations on your well-deserved success,” ani Romualdez.
Kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang pagkapanalo ni Gray ay magbibigay ng inspirasyon sa mga Filipino ngayong mapag-alinlangang panahon.
“Catriona Gray’s success is truly a victory for all Filipinos,” ani Barbers.
(GERRY BALDO)