HINDI pupunta si Pangulong Rodrigo Duterte sa handover ceremony ng Balangiga bells sa Villamor Air Base sa Pasay City ngayong araw.
Sa halip, ayon kay Presdiential Spokesman Salvador Panelo, magtutungo ang Pangulo sa 15 Disyembre para sa turn-over ceremony sa St. Lawrence The Martyr Church sa Balangiga, Eastern Samar, ang orihinal na kinalalagyan ng mga kampana bago ninakaw ng mga Amerikanong sundalo noong 1901.
Ang pagbabago sa iskedyul ng Pangulo ay batay sa rekomendasyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Itinuturing na makasaysayan ang pagbabalik ng tatlong kampana sa mismong mga taga-Balangiga sa Eastern Samar dahil ninakaw ito ng US bilang war booty matapos ipag-utos ni US General Jacob Smith na patayin ang lahat ng kalalakihan, edad 10-anyos pataas sa Samar nang mapaslang ng mga Filipino ang 46 sundalong Amerikano noong Fil-Am war.
(ROSE NOVENARIO)