PAGKALIPAS ng siyam na taon, muling sasakay ng float si Direk Joel Lamangan para sa pelikula niyang Rainbow’s Sunset na entry ng Heaven’s Best Entertainment Production ngayong 2018 Metro Manila Film Festival.
Taong 2009 ang huling entry ng direktor para sa Mano PO 6: A Mother’s Love handog ng Regal Films at naiuwi ni direk Joel ang Best Director award.
Kontrobersiyal ang Rainbow’s Sunset dahil kuwento ito ng gay relationship na kung kailan tumanda ay at saka umamin sina Eddie Garcia at Tony Mabesa.
Sabi nga ni direk Joel, “lagi namang kontrobersiyal ang MMFF.”
At para sa ilang cast ng pelikula ay natanong sila kung may Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) na miyembro ng kanilang pamilya at ano ang masasabi nila?
“Sa akin kasi wala sa pamilya ko ang direkta (mayroon), siguro sa pinsan. Lumaki kasi ako sa industriya na expose ang mga kapatid natin na miyembro ng LBGT and nasa politics din ako, expose rin ako sa kanila.
“So sa akin, gender is never an issue for as long as you’re making a difference on our society, I think that what matter most. So, tanggap ko ‘yan na sakaling one-day umamin si Andrei (anak kay Jomari Yllana), medyo malayo pa po, eh kasi lalaking-lalaki talaga siya. Pero tatanggapin ko ‘yan lalo na kung makabuluhan naman ang magagawa niya sa society natin,” pahayag ni Aiko Melendez na anak nina tito Eddie at Ms. Gloria Romero.
Aminado naman si Sunshine Dizon na may mga tiyahin siyang lesbiyana.
“I’m looking up to them at mahal na mahal ko ang mga tita ko na ‘yun. I remember when I was a little girl, they had to attend this wedding and they had to wear a dress and I was so confuse kasi alam ko, lalaki sila (napangiti), and actually, the two of them are the best of my titas, talagang super bait, napakaayos na mga tao and I really look up to them,” paliwanag ng aktres.
Sabi naman ni Max Collins, “Like ate Shine, I also have two aunts na lesbian din, I’m super close to them and I love them so much. I learned and look up to them.”
Ang punto naman ni Tito Eddie, “wala naman (LGBT sa pamilya) at kung mayroon man ay tatanggapin ko dahil iyon ay ibinigay sa kanya ng Diyos.”
Kung sakaling umamin ang mga anak nilang myembro sila ng LGBT, ano ang maipapayo nina Sunshine, Max, at Aiko?
“To be honest I don’t have issues. I really don’t mind. I love my kids as they are whatever kung anuman sila pagtanda nila. I really wouldn’t mind as long as masaya sila, wala naman silang ginagawang masama at wala naman silang tinatapakan kahit sino. As long as they’re good citizens, I’m okay,” katwiran ni Sunshine.
Para kay Aiko, “Like what I’ve said kanina if one of these days, one of my kids would approach me and telling I’m gay, I would gladly embrace them lalo na kung magiging kapaki-pakinabang sila sa society natin and then ‘yung hindi sila mang-aagrabyado ng tao. So, I see no issue with the gender kasi mga anak ko ‘yan at galing sa akin at bigay ng Panginoon sa akin, basta ang kabilin-bilinan ko lang, huwag makasasakit ng ibang tao.”
Wala pang anak si Max at asawang si Pancho Magno open minded siya, “I would love my children no matter what kahit they’re bad people I would still love them you know. What more if they’re gay, it doesn’t matter. Of course I hope that they’ll be good people, sana naman all of our children would do the right thing, always. I have no problem with gender at all.”
Gandang-ganda ang lahat ng nakapanood na ng Rainbow’s Sunset at talagang posibleng manalong Best Picture at Best Director naman si Lamangan.
Kasama rin sa Rainbow’s Sunset sina Tirso Cruz III, Jim Pebanco, Tanya Gomez, Sue Prado, Marcus Madrigal, Noel Comia, Ross, Shido, Ali Forbes, Adrian Cabido, Hero Bautista, Vince Drillon, Nella Marie Dizon, Ace Merfel, Benz Sangalang, Cline Juan, Zeke Sarmenta, at may special participation si Albie Casino. Mapapanood na ito sa Disyembre 25 simula ng 2018 Metro Manila Film Festival.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan