MARAMI ang makare-relate sa pelikulang Rainbow’s Sunset mula Heaven’s Best Entertainment Productions na isa sa entry sa darating na Metro Manila Film Festival simula December 25.
Isa itong family movie na tamang-tama para sa buong pamilya ngayong Pasko. Pati ang LGBT community ay tiyak na maaantig sa pelikulang ito. Mapapanood dito si Ramon, isang dating senador na iniwan ang kanyang pamilya para samahan ang kanyang gay friend (na dati niyang karelasyon) na may sakit na cancer, at hindi rito tumutol ang kanyang misis.
Saad ng director nitong si Joel Lamangan, “It’s a family movie fit for Christmas. Very timely ang pelikula dahil tungkol ito sa isang pamilya at kung paano sila nag-cope sa kanilang problema. Relatable rin, tungkol din kasi ito sa pagtanggap sa isang tao anuman ang kanyang gender o sexual preference. Kasi kung mahal mo ang kapamilya mo, kung anumang gender na mayroon siya ay mamahalin mo pa rin siya.”
Nabanggit din ni Direk Joel na hanga siya sa lahat ng artistang gumanap dito, dahil sobrang gagaling nilang lahat.
Ang pelikula ay may kurot sa puso at sumasalamin ito sa lagay ng maraming pamilyang Pinoy. Na sa isang pamilya ay may nangyayari talagang tampuhan, may naliligaw ng landas, may misunderstanding, may nagaganap na awayan, at iba pa, ngunit sa bandang huli ay pamilya pa rin talaga ang mahalaga. ‘Ika nga, blood is thicker than water.
After mong mapanood ang pelikula, pakiramdam mo ay gusto mong umuwi ng bahay para agad na makasama ang mga mahal mo sa buhay at yakapin sila nang buong higpit.
Anyway, ito ang matutunghayan sa pelikulang Rainbow’s Sunset na mahusay na ginampanan ng bigating cast sa pangunguna nina Eddie Garcia, Gloria Romero, at Tony Mabesa. Tampok din sa pelikula sina Aiko Melendez, Tirso Cruz III, at Sunshine Dizon. Kasama rin sina Jim Pebanco, Tanya Gomez, Sue Prado, Marcus Madrigal, Noel Comia, Ross Pesigan, Ali Forbes, Adrian Cabido, Neil Marie Dizon, Hero Bautista, Vince Rillon, Zeke Sarmenta, Tabs Sumulong, Benz Sangalang, Ace Cafe at Celine Juan. May special participation dito si Albie Casino at introducing si Shido Roxas.
Ang script ay mula kay Eric Ramos, sa story nina Ferdinand Lapuz, Eric, at ni Direk Joel himself.
Ngayon pa lang, naniniwala kaming hahakot ng awards ang pelikulang ito simula sa Dec. 27 para sa Gabi ng Parangal ng MMFF 2018.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio