KABADO ang mga empleyado ng gobyerno na mawalan ng trabaho kapag umiral ang federalismo sa bansa.
Ito ang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya sa press briefing sa Palasyo kahapon, kaugnay sa isinagawang town hall meetings ng kagawaran para ilako ang federalismo.
“Yung ibang empleyado ng gobyerno may agam-agam, kinakabahan sila na mawawalan sila ng trabaho o malilipat ng trabaho o mase-separate sa service,” aniya.
Ayon kay Malaya, ipinaliliwanag nila na hindi magaganap ang takot na mass lay-off sa ilalim ng federalismo ngunit maaaring magkaroon nang paglipat ng responsibilidad sa ibang sangay ng gobyerno.
“Ipinapaliwanag po namin sa kanila na hindi mangyayari iyon kasi ‘yung tungkulin nila whether regional o national level ay kailangan pa rin gampanan. Kung magkaroon man ng movement ay doon lang sila kung saan sila sasahod na bago. So in so far as government officials and employees are concerned, it will be just some sort of transfer of responsibilities from one branch or level of the government,” dagdag ni Malaya.
Tiniyak din ni Malaya sa mga lokal na pamahalaan na sa ilalim ng federal system ay mas tataas ang kanilang internal revenue allotment (IRA).
“‘Yung iba namang tanong sa LGU kung mababawasan ba ang kanilang internal revenue allotment, ipinapaliwanag po namin na makasisiguro tayo under federal system na mas lalaki pa ‘yung kanilang revenue dahil mas lalaki pa ang taxes na matatanggap ng ating LGUs,” aniya.
Magdaraos umano ng National Federal Summit sa susunod na buwan kasabay nang pag-arangkada ng Inter-Agency Task Force on Federalism na nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng Memorandum Circular 52 upang magtulungan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa paghahanda sa inaasahang pag-iral ng federalismo sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)