NAWA’Y maging babala sa mga alagad ng batas na nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan ang karanasang ito.
Tinutukoy natin ang tatlong pulis na nahatulan ng reclusion perpetua o habambuhay na kulong (20 hanggang 40 taon) at walang parole, dahil napatunayan ng hukuman ang pagpaslang nila kay Kian delos Santos, noo’y 17-anyos, gamit ang lisensiya ng ‘drug war.’
Marami ang natuwa sa hatol ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 125 Judge Rodolfo Azucena Jr., sa mga pulis na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.
Habang sabi naman ng ibang human rights group, ang conviction sa tatlong pulis ay ‘warning shot’ umano laban sa mga alagad ng batas na lalampas sa kanilang hurisdikdiyon at kapangyarihan.
In short, ‘yung mga abusadong alagad ng batas, sukdulang paslangin ang suspek kahit wala itong arams at hindi pa dumaraan sa proseso ng pagtatanggol sa sarili ay dapat nang magdalawang-isip.
Sabi nga ni PNP chief, DG Oscar Albayalde sa kanyang mga tauhan, maging maingat sa pagpapatupad ng anti-drug war pero hindi naman ibig sabihin niyan na matakot kayo para huwag nang gumanap sa tungkulin.
Sa pamamagitan nga naman ng hatol ng nasabing hukuman, maraming maaapektohang kaso na sinasabing ‘summary executions.’
Isa tayo sa umaasa na makatutulong ang pangyayaring ito para paunlarin ang pagsusulong ng drug war na hindi kailangan ang barbarikong pamamaraan.
Panahon na rin para muling repasohin ang drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte na sabi nga e, maliliit ang nabibingiwit pero ang malalaki ay nakikipag-elbow-to-elbow sa Palasyo.
Umaasa tayo, na ito ay malaking aral hindi lang sa administrasyon kundi sa lahat ng mamamayan at mga opisyal ng gobyerno.
You may now rest in peace Kian… so long.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap