AMINADO ang mga kawani ng Panay Electric Company (PECO) na kailangan ng new management ng mga residente sa Iloilo City para masolusyonan ang problema sa koryente sa lalawigan.
Sinabi ni Gaudioso Arnejo Sumandi , 24 taon nang empleyado ng PECO at nagsisilbing lineman at trouble shooter, mismong siya ay hindi na nakatiis sa palpak na pamamalakad ng kompanya kaya pinangunahan na niya ang paghingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng 8888 Citizens’ Complaint Hotline upang ipaabot sa Malacañang ang problema nila sa PECO.
Ipinarating ni Sumandi nitong 12 Agosto 2018 ang reklamo sa Malacañang na ang tanging hangarin ay maipaabot kay Duterte ang kanilang situwasyon at makapagsagawa ng imbestigas-yon.
Sa isang panayam kay Sumandi, inamin niyang maraming mga manggagawa ang nais magreklamo sa pamalakad ng PECO ngunit hindi nila ito magawa dahil karamihan sa mga empleyado ng kompanya ay mga kontraktuwal.
Gaya umano sa operation department, siya na lamang ang nag-iisang regular employee at lahat ay kontraktuwal na.
Inamin ni Arnejo na nababahala siya sa linya ng koryente ng PECO dahil overloading. Kung hindi umano ito matutugunan ay malaking panganib ang maaaring idulot.
May ilang pagkakataon na umano na nagkakaroon ng sunog dahil sa pag-iinit ng kable dala ng overloading at masuwerte lamang na agad nila itong naaapula kaya walang nagiging malaking pinsala.
May batayan din umano ang reklamo ng mga residente na palagian ang brownout na nararanasan, ito umano ay dahil ang mga linya ng koryente ay putol-putol na karaniwang pinagdugtong lamang nila at ginawan ng paraan para magkailaw ang mga residente.
“Dahil ginawan lang ng paraan at hindi pinalitan ang linya, araw-araw o linggo-linggo nasisira ulit, ganito lang ang nangyayari, pabalik balik ang problema. Ang dapat palitan ang buong linya pero walang pondo raw para rito”dagdag ni Sumandi.
Sa pagtataya ng mga manggagawa, hindi na umano interesado ang PECO sa pagpapalakad ng kompanya dahil alam naman ng pamunuan ang mga probema ngunit walang ginagawang aksiyon.
“Sa isip ko wala nang ganang patakbuhin ang kompanya, kasi ni ballpen wala nang magamit, ‘yung sasakyan na service 30 years na ginagamit, repair nang repair lang. Talagang hindi na maganda ang pagpapatakbo,”giit ni Sumandi.
Aniya, maging sa Department of Labor and Employment (DOLE) Iloilo ay naghain na rin siya ng reklamo dahil sa hindi pagbabayad sa kanila ng overtime pay pero napilitan siya na bawiin ang reklamo sa pakiusap ng management na intindihin muna ang kanilang pagkukulang.
Aminado si Sumandi na sila ang may malasakit sa kompanya habang wala namang pagmamahal sa kanila ang kompanya.
Sa katunayan, sa 24 taon niya sa kompanya, 21 taon dito ay kontraktuwal at nasa P14,200 lamang ang kanyang sahod.
Apela ni Arnejo sa PECO, huwag nang itanggi ang pagkukulang nito at aminin na hindi na kayang bigyan ng magandang serbisyo ang consumers.
HATAW News Team