TURNING point sa Filipinas at China ang dalawang araw na pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ito ang maglalagay ng selyo sa maganda nang relasyon ngayon ng dalawang bansa.
Ayon kay Panelo, ang kauna-unahang state visit ng isang Chinese leader mula noong 2005 o makalipas ang 13 taon ay tanda ng special partnerships ng China at Filipinas bilang mga mangangalakal at entrepreneurs na humantong ngayon sa masiglang pag-unlad.
Maituturing aniyang top trading partner at nangungunang export market ng Filipinas ang China.
Isang malaking oportunidad ito ayon kay Panelo para lalo pang mapalakas at mapanatili ang magandang bilateral relations ng Filipinas sa isang dayuhang bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo na kinikilala ng Malacañang ang pagsisikap ni President Xi na maitaguyod ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon sa pamamagitan ng mga dialogo at konsultasyon para sa tamang pagtrato sa isyu ng South China Sea.
Naniniwala rin si Panelo na malulutas ang hindi pagkakaunaawan kung magiging mas malapit at malakas ang ugnayan ng dalawang bansa laban sa banta sa seguridad, tulad ng terorismo, marahas na extremism, kriminalidad at problema sa ilegal na droga.
(ROSE NOVENARIO)