UMABOT sa 2,500 Navoteño ang kumita ng extra income sa pagkakaroon ng cash-for-work sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas.
Nakatanggap ng P3,840 suweldo ang mga benepisaryo sa kanilang 10 araw na pagtatrabaho sa iba’t ibang tanggapan sa city hall.
Ang programa, na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay naglalayong magbigay ng trabaho sa mga nangangailangang Filipino.
Nagpasalamat si Mayor John Rey Tiangco sa DSWD sa pagbibigay nito ng pagkakataon sa mga Navoteños na magkaroon ng pagkakakitaan.
“Biyaya ang turing namin sa anomang oportunidad na nakatutulong para magkaroon ang aming mamamayan ng hanapbuhay para masuportahan ang kanilang pamilya,” ani Tiangco.
“Napapanahon ang tu-long na bigay ng DSWD, lalo na ngayon na magpa-Pasko,” dagdag niya.
Nagtrabaho sa pamahalaang lungsod ang mga benepisaryo mula sa District 1 noong 16-25 Oktubre. Sa kabilang banda, ang mga taga-District 2 ay nagtrabaho noong 22-31 Oktubre.
Kasama sa mga benepisaryo ng programa ang mga may kapansanan, solong magulang, pamilya ng mga mangingisda, at mga Navoteño na hirap sa buhay. (JUN DAVID)