PAKITANG TAO lamang ang pagsailalim ng Bureau of Customs sa Armed Forces of the Philippines para masabi na makapangyarihan ang presidente.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, para nang isinailalim ang bansa sa martial law.
Aniya, ginagawang dahilan ang problema sa droga sa pagamit ng martial law at iniiwas sa tunay na isyu na hinayaang makalabas ang mga itinalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte na panagutin sa pagpuslit ng P11-bilyong halaga ng droga sa Customs.
Inabsuwelto, ani Villarin, ni Duterte ang kanyang appointee na si Isidro Lapeña imbes paimbestigahan at panagutin.
Ang paglalagay sa militar ng BoC ay hindi makatuwiran at pagpapakita na kontrolado ni Duterte ang bansa.
Sa panig ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, dating commissioner ng Customs, ang direktiba ng pangulo ay nagpapakita ng matinding pagkabigo sa paulit-ulit na problema sa smuggling at korupsiyon.
Ani Biazon, dapat malinaw ang papel ng militar sa Customs – anong mga posisyon ang hahawakan ng militar at kung hanggang kailan sila sa puwesto.
“Just like any mission given to the military before they operate, the objectives must be specific, their roles defined and an exit plan prepared,” ani Biazon.
Aniya tatlo ang mandato ng Customs gaya ng pagkolekta ng buwis, trade facilitation at border security.
(GERRY BALDO)
Martial law sa Customs
AFP takeover sa Customs suportado ni Sotto
AFP takeover sa Customs kaduda-duda — Pangilinan