ANIMO’Y may komosyon sa ABS-CBN kahapon ng hapon dahil sa ginawang pagsalubong kay Regine Velasquez para sa pagpirma nito ng kontrata sa Kapamilya Network.
Napaka-engrande ng nangyaring pagsalubong kay Regine na dinaluhan ng mga tagapamahala ng kompanya at ng mister niyang si Ogie Alcasid.
Dumalo sa pirmahan sina Dreamscape Entertainment head Deo Endrinall TV Production head Laurenti Dyogi; Cacai Velasquez, manager ni Regine; Chief Operating Officer Cory Vidanes; Chairman of ABS-CBN Mark Lopez; President and CEO Carlo Katigbak; at Kat Lopez, CEO for Broadcast.
“I am now a certified Kapamilya,” masayang sambit ni Regine matapos niyang pumirma ng kontrata sa ABS-CBN, na nagpapatibay sa kanyang paglipat sa Kapamilya Network.
Sa report ng abs-cbnnews.com, sinabi ni Regine na sabik siyang lumahok sa mga proyekto ng Dos at makasama ang ilang mga bituin ng network gaya nina Sharon Cuneta, Gary Valenciano, at Martin Nievera.
Inanunsiyo rin ang paglahok ni Regine sa pagtatanghal ng programang ASAP sa Sydney, Australia sa Oktubre 20 sa ICC Sydney Theatre. (MVN)