HINDI papayag ang mga opisyal ng Commission on Higher Education (CHED) na magamit sa maling paniniwala at mga ilegal na aktibidad ang mga estudyante at mga unibersidad sa bansa.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Cinderella Jaro, OIC executive director ng CHED, na umaaksiyon sila base sa official communications na kanilang natatanggap, ngunit hanggang ngayon ay wala namang paabiso ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa isyu nang pagre-recruit umano ng mga komunistang grupo sa mga estudyante sa 18 unibersidad sa Metro Manila.
Iginiit ni Jaro, iginagalang nila ang kalayaan ng mga estudyante sa impormasyon at kalayaang makapagtipon-tipon at makapaghayag ng saloobin, basta walang nilalabag na batas.
Sa intelligence report ng AFP, sinasabing nagre-recruit na ang mga komunistang grupo sa mga estudyante o sa loob mismo ng mga unibersidad.
Ginagamit umano ng mga komunistang grupo ang mga pagtitipon ng mga estudyante para ipapanood sa kanila ang tungkol sa martial law para impluwensiyahan ang kanilang pag-iisip para maging masama ang paniniwala nila laban sa uri ng pamamahala sa bansa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(ROSE NOVENARIO)