MAGANDA ang takbo ng showbiz career ng child actor na si Kenken Nuyad. Bukod sa sunod-sunod ang mga pelikula niya, visible rin siya sa TV ngayon.
Ang ilan sa mga pelikulang nakasali siya ay sa School Service ng BG Productions ni Ms. Baby Go na pinagbidahan ni AiAi delas Alas, ang ToFarm entry na SOL Searching na tampok si Pokwang, at sa Liway starring Glaiza de Castro na naging entry sa Cinemalaya. Dito’y nanalo si Kenken ng Special Jury Award For Acting.
Kamakailan lang ay nanalo rin sa 41st Lucas International Film Festival for Young
Film Lovers sa Germany ang short film na Ngiti ni Nazareno na pinagbidahan ni Kenken bilang Best Short Film. Ito’y mula sa pamamahala ng award-winning director na si Louie Ignacio.
Incidentally, pasok ang School Service sa 34th Warsaw Film Festival.
Sa TV, napapanood naman si Kenken ngayon sa FPJ’s Ang Probinsyano at Wansapanataym Presents: ManiKen ni Monica starring Jerome Ponce. Nabanggit ni Kenken na sobrang saya niya sa kanyang mga bagong TV shows.
Aniya, “Super happy po tito, kasi nakasama ko si kuya Coco at kasali rin ako sa Wansapataym. Ang galing niya magdirek, kaya paglaki ko gusto kong maging direktor ako katulad ni Kuya Coco. At si kuya Coco, bukod sa magaling ay ang bait pa.”
Pahabol pa niya, “Sa Wansapataym, ako po si Kidliit, sidekick ni Taylor Master (Benj Manalo). Kami po ang tutupad sa wish ni kuya Jerome Ponce.”
Sinabi rin ni Kenken na wish niyang makasali sa MMFF entry na Jack Em Popoy: The Puliscredibles na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Coco Martin. ”Sana kunin nila ako, ni kuya Coco na maging sidekick niya o kaya ni Bossing Vic at makita ko na rin si bossing Vic, ‘yun talaga ang wish ko po sa Pasko, na makasama ko silang dalawa.
“Hindi ko pa po kasi nakikita si Bossing Vic, kasi noong sumali po ako dati sa Eat Bulaga sa Batang Pinoy Henyo, wala po siya.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio