NAKAAMBA ang palakol ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ito ang nabatid kahapon.
Ayon sa isang source, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sina Finance Secretary Sonny Dominguez at Piñol sa cabinet meeting nitong 8 Oktubre sa Palasyo na humantong sa sigawan.
Sa harap umano ni Pangulong Rodrigo Duterte at lahat ng miyembro ng gabinete ay ibinisto umano ni Dominguez na may isang grupo na pinaboran si Piñol kaya nagkaroon ng krisis sa bigas sa bansa na naging sanhi ng paglobo ng inflation.
Hindi tinukoy ng source kung pinaboran ni Piñol ang mga sinasabing rice smugglers.
Noong umpisa aniya ng komprontasyon ay itinanggi pa muna ni Piñol na kilala niya ang tinukoy na pangkat ni Dominguez ngunit sa tindi ng pag-usisa ng finance chief ay napaamin umano si Piñol na isang buwan ang inihirit ng grupo upang makabawi sa kanilang kapital.
Lalo umanong nanggalaiti si Dominguez at ipinamukha umano kay Piñol na anti-people ang pagkiling niya sa mga negosyante at isinakripisyo ang kapakanan ng publiko.
Sinabi ng source na isang miyembro ng gabinete na may bagong posisyon ang ‘nagbaterya’ kay Pangulong Duterte sa kawastohan ng punto ni Dominguez.
Sa nasabing cabinet meeting ay iniutos ng Pangulo ang liberalisas-yon ng rice importation sa bansa upang bumaha ng bigas sa pamilihan at bumaba ang presyo.
Inalisan ng Pangulo ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na mag-accredit ng rice importers at magdetermina kung gaano karaming bigas ang puwedeng angkatin.
Matatandaan, ibinalik ni Pangulong Duterte sa Department of Agriculture ang pangangasiwa sa NFA.
Giit ng source, kung walang naging problema sa bigas ay 5.4% lamang ang inflation rate noong Agosto at hindi 6.4%.
Naging isyu laban kay Pangulong Duterte ang patuloy na paglaki ng inflation.
ni ROSE NOVENARIO