“BANGAG pa.” Ito ang tinuran sa amin ni Direk Joven Tan nang mapasama sa Magic 8 ang kanyang pelikulang Otlum sa darating na 2018 Metro Manila Film Festival.
Kuwento ni Direk Joven, hindi ito ang kauna-unahang pagkakataong sumali siya sa MMFF. “Second time ko na ito. At nakakataba ng puso na napili ang pelikula namin.”
Ganito ang reaksiyon ni Direk Joven dahil hindi niya inaasahang mapipili ang kanilang pelikulang Otlum mula Horshoe Studios na pagbibidahan nina Ricci Rivero, Jerome Ponce, John Estrada at iba pa. Kasabay pa ang tsikang ang pelikula ni Direk Brillante Mendoza na Alpha, The Right To Kill na pinagbibidahan ni Allen Dizon at nagwagi na ng Special Jury Prize sa San Sebastian International Film Festival sa Spain ang matinding nakalaban nito para makasama sa Final Four ng MMFF.
Ani Direk Joven, “Naniniwala ako sa suwerte at siguro binalanse lang ng mga komite ang mga entry. Kasi ako every Christmas at ganitong MMFF, ang una kong pinanonood eh horror, tulad ng ‘Shake, Rattle and Roll,’ lumaki ako sa ganoong pelikula.”
Paglalarawan ni Direk Joven sa kanyang Otlum movie, “Iba’t ibang acceptance kasi natin sa takot eh. Minsan horror ride lang takot na tayo pero alam naman nating tinatakot lang tayo. Minsan wala kang nakikita pero mayroon ka lang marinig o maramdaman, mayroon na (takot).”
Dagdag pa ni Direk Joven, “Traditional mong napapanood tuwing Christmas itong pelikula namin. At parang tribute ko na ito sa Shake… Kasi laging hinahanap ‘yan kapag ganitong season. At maraming batang kasama sa pelikulang ito. Mga bago sina Ricci na hindi naman talaga artista kundi basketball player.”
At nang intrigahin naming siya ukol sa kung ano ang masasabi niya na mas pinaboran ang pelikula niya kaysa kay Brillante, “Anong sasabihin ko? Parang ako mismo hindi ko naman matatawaran ang gawa nila. Tapos nabigyan na ‘yun (Alpha) ng award internationally, ‘di ko alam. Siguro sabi ko nga, siguro mas pinakinggan lang ako kanina kasi nagsimba ako. Game of luck eh. Sa Mt. Carmel ako nagsimba at talagang ipinagdasal koi yon (Otlum).
“Everytime naman na may sasalihan akong contest talagang ipinagdarasal ko sa Mt. Carmel. Even ‘yung Himig Handog doon ako pumupunta at ibinibigay naman sa akin talaga. Siguro ano lang, napalakas lang ang dasal ko kanina.”
Ito na ba ang hinihintay na big career move ni Direk Joven?
“Hindi, parang ano lang… Never kasi akong nag-brand ng sarili ko kung ano ang dapat kong gawin sa industriya. Marami akong naririnig, sige sa akin okey lang, basta masaya ako, kumikita ako, nabubuhay ko pamilya ko, hindi ako nangingialam ng buhay ng iba. Kahit anong sabihin mo, okey lang. Kung saan ka masaya, sige. Kahit mga rebyu-rebyu kahit ano pa ‘yan okey lang.
Ang tatlo pang bumuo sa Final Four ng MMFF ay ang Rainbow’s Sunset ng Heaven’s Best Entertainment na pagbibidahan nina Eddie Garcia, Tony Mabesa, Tirso Cruz III, Aiko Melendez, Sunshine Dizon, at Gloria Romero na idinirehe ni Joel Lamangan; One Great Love ng Regal Entertainment na pagbibidahan nina Kim Chiu, JC de Vera, at Dennis Trillo na idinirehe ni Eric Quizon; at Marry, Marry Me ng Ten17 Productions na pinagbibidahan ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga, kasama si Sam Milby at idinirehe ni RC delos Reyes.
Ang Selection Committee ay binubuo nina National Artist Bienvenido Lumbera, (chairman), Jesse Ejercito, Evelene Advincula, Roy Iglesias, Maria Anicia Naval, Mel Chionglo, James Bartolome, Luwalhati Bautista, Cesar Ona, Irene Jose, Lilibeth Nakpil, at Consoliza Laguardia
Nauna nang inanunsiyo ang unang apat na pelikulang kasama sa 2018 MMFF, ito ay ang Fantastica nina Vice Ganda, Richard Gutierrez, at Dingdong Dantes ni Barry Gonzalez mula sa Star Cinema at Viva Films; Girl In The Orange Dress nina Jessy Mendiola, Jericho Rosales, at Ria Atayde ni Jay Abello, mula sa Quantum at MJM Films; Aurora ni Anne Curtis na idinirehe ni Yam Laranas, mula sa Viva Films at Aliud Entertainment; at Popoy En Jack: The Puliscredibles nina Vic Sotto, Coco Martin, at Maine Mendoza na idinirehe ni Michael Tuviera mula sa MZet, APT, at CCM Productions.
Samantala, 16 naman ang napili mula sa 123 entries sa Student Short Films na nagbigay ang MMFF ng grant para sa napiling semi finalists ng halagang P20,000.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio