LEADER ng isang malaking sindikato ng droga ang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga miyembro niyang anim na pulis at anti-drug officials.
Ito ang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa isinapubliko niyang bagong drug matrix kamakalawa.
Batay sa bagong drug matrix, tumatayo bilang lider ng grupo si Director Ismael Gonzales Fajardo, deputy director general for administration ng PDEA, na kilala sa drug community bilang scorer at recycler ng ilegal na droga at gumagawa ng mga kuwento tungkol sa kanilang mga illegal drug operation.
Si Fajardo ay sinibak sa puwesto ni PDEA Director General Aaron Aquino nitong 14 Setyembre, dalawang araw makaraan ang isinumiteng drug matrix kay Pangulong Duterte.
Nagsisilbing mga miyembro ni Fajardo sina S/Supt. Eduardo Paderon Acierto, dating PNP anti-narcotics stalwart, at tumayong officer-in-charge ng nabuwag na PNP-AIDG na ang ilang tauhan ay sangkot sa pagpatay sa Korean national na si Jee Jick Joo sa loob mismo ng Kampo Crame.
Hindi siya nakasuhan noon alinsunod sa prinsipyo ng command responsibility matapos ipalusaw ni Duterte ang unit dahil sa nasabing insidente.
Kabilang din sa mga miyembro ni Fajardo sina S/Supt. Leonardo Ramos Suan, Supt. Lorenzo Cusay Bacia, Insp. Lito Torres Pirote, Insp. Conrado Hernandez Caragdag, at SPO4 Alejandro Gerardo Liwanag.
Batay sa matrix, si Fajardo ang nagtahi ng mga istorya sa likod ng isinagawa nilang drug operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang ang kaso nang pagdawit dati kay Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino nang paratangan nag-o-operate ng shabu lab sa Celadon Residence noong Enero 2016.
Ilan sa drug related raids na umano’y tinahi-tahi ni Fajardo at kaniyang grupo ang kuwento ng Valenzuela case, na dalawang Filipino-Chinese nationals ang inaresto dahil sa umano’y nasamsam sa kanila na mahigit 35 kilo ng shabu.
Ngunit lumalabas sa imbestigasyon na hindi pala nahuli ang dalawang Chinoy sa isang vehicle interdiction operation kundi dinukot sila ng grupo ni Fajardo sa isang warehouse sa Valenzuela at pinaamin na sa kanila ang nakompiskang ilegal na droga.
Lumabas din sa imbestigasyon na mahigit 55 packs ng shabu na katumbas ng 55 kilos ang ginamit na kontrabando laban sa hinuling umano’y mga suspek ngunit nabatid na kinupit nila ang iba at pinalabas na 36 packs lamang ang nakuha.
Sa rekomendasyong nakalagay sa matrix, pinaiimbestigahan na ang mga sangkot na opisyal ng PDEA at PNP at ipinasasailalim sila sa lifestyle check para matukoy ang pinagmumulan ng kanilang taglay na mga yaman at ari-arian.
Sina Fajardo at Acierto ay iniugnay rin sa nawawalang P6.8-B shabu sa magnetic filters sa warehouse sa Cavite, base sa Congressional hearing kamakailan.
Si Acierto ay nadawit noong 2014 sa nawawalang 900 high-powered firearms sa PNP.
ni ROSE NOVENARIO