NANAWAGAN kahapon ang stalwart ng oposisyon na si Albay Rep. Edcel Lagman na ipasa agad ang joint resolution na pipigil sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law na aniya’y sanhi ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ani Lagman, dapat nang pagtuunan ng pansin ng liderato ng Kamara ang pag-apruba sa Joint Resolution No. 27 para mapigilan na ang pagtaas ng buwis sa produktong petrolyo.
Pahayag ni Lagman ang inflation ay aabot sa 6.8 porsiyento sa huling bahagi ng taon.
Ang Joint Resolution ay isinumite noong 10 Setyembre 2018 nina Lagman kasama ang iba pang miyembro ng Magnificent 7, Makabayan Group at People’s Minority.
Binatikos ni Lagman ang polisiya ng gobyernong Duterte sa paglalagay ng mataas na buwis sa mga produktong petrolyo.
“It is patently a flawed policy for the Philippines, an oil-importing country, to impose additional and higher excise taxes on petroleum products, while oil producing countries are even giving subsidies to maintain at low levels the pump prices of gasoline to protect consumers,” ani Lagman.
Lalong nagkagulo ang kalagayan ng Filipinas dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na lumagpas sa US$80 kada bariles.
Pinakamataas mula noong Nobyembre 2014.
Ang pagpapatotoo ng economic managers na magiging manageable ang inflation ay hindi magpapababa ng presyo ng mga serbisyo at bilihin.
ni Gerry Baldo