PATULOY na mino-monitor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila na sinasabing pinagrerekrutan ng CPP-NPA para sa kanilang planong “Red October” na magpapabagsak kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Kasunod ito sa inilabas na listahan ng mga paaralan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na pawang nasa Metro Manila.
Binigyang linaw ni NCRPO Regional Director Guillermo Eleazar, walang magaganap na pag-aresto at pagpasok sa mga paaralan makaraan matanggap ang impormasyon sa militar.
Tiniyak ng NCRPO chief, patuloy na magbabantay ang pulisya at magkakaroon ng pag-aresto kapag may mga paglabag silang makikita tulad ng paggawa ng rebelyon o pag-iingat ng mga kontrabando.
Aniya, nananatili pa ring nasa heightened alert ang NCRPO kasunod nang nangyaring pagsabog sa Lamitan, Basilan nitong Agosto na ikinamatay ng 10 katao.
Walang natatanggap na impormasyon ang pamunuan ng University of Makati kaugnay sa inilalatag na “Red October” ouster plot ng CPP-NPA laban kay Pangulong Duterte.
Ito ang paglilinaw ni UMAK president Tomas Lopez nang mapabilang ang unibersidad sa listahan ng AFP.
Inihayag ni Lopez na pinahahalagahan nila ang karapatan sa pamamahayag ng kanilang mga estudyante at iginagalang ang prinsipyo ng demokrasya na isinasaad ng Konstitusyon.
Dagdag niya, bilang local academic institution, hindi sila lumalahok sa anomang uri ng pamomolitika.
Sa inilabas na impormasyon ng AFP, kabilang ang University of Makati sa 18 kolehiyo at unibersidad na pinagsasagawaan umano ng recruitment ng CPP-NPA sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga pelikula tungkol sa martial law at paghahambing kay Pangulong Duterte kay dating Presidente Ferdinand Marcos. (JAJA GARCIA)