MAGKASAMANG kikinang tuwing hapon ang mga bagong talento at mga bagong mukhang bibida sa “Kadenang Ginto,” tampok ang rising teen stars na sina Andrea Brillantes at Francine Diaz. Sampung taong gulang pa lamang ay bumida na sa kanyang unang teleserye si Andrea na “Annaliza,” na napansin ang taglay niyang galing sa pag-arte.
Dahil sa naturang role, nakilala bilang teleserye princess si Andrea at napanalunan ang Best Child Performer Award mula sa PMPC Star Awards for Television noong 2013. Napabilang din siya sa “E-boy,” “Hawak Kamay,” “Ina, Kapatid, Anak,” “Pangako Sa ‘Yo,” “A Love to Last,” “Goin’ Bulilit,” at napanood sa ilang episodes ng “Maalaala Mo Kaya” at “Wansapanataym.”
Samantala, baguhan naman sa industriya si Francine ngunit nagpakitang gilas na bilang bilang batang Erich Gonzales sa “Be My Lady” at batang Kim Chiu sa “Ikaw Lang Ang Iibigin.” Bukod pa riyan, nagkaroon na rin siya ng roles sa “Maalaala Mo Kaya,” “Ipaglaban Mo” at “The Blood Sisters.”
Salpukan naman sa aktingan ang dapat abangan sa “Kadenang Ginto,” na gagampanan nina Andrea at Francine ang dalawang batang magkokompetensiya sa lahat ng bagay. Gagampanan ni Andrea si Margaret, ang anak ni Daniela (Dimples Romana) na sanay na nakukuha ang luho at labis ang pagmamahal sa ina.
Mapapanood naman si Francine bilang si Cassandra, na lumaking matulungin, mabait, at masunurin sa pangangalaga ng inang si Romina (Beauty Gonzalez).
Sa pagtira nilang lahat sa bahay ni Robert (Albert Martinez) – ang ama ni Daniela at ang asawa naman ni Romina – iigting ang inggit ni Margaret kay Cassandra at susubuking agawin ang lahat mula rito, maging ang atensiyon at pagmamahal ni Robert.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma