HINDI ligtas si Assistant Secretary Mocha Uson sa pananagutan matapos siyang mag-resign sa puwesto sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ayon kay Rep. Salvador Belaro, ng 1-Ang Edukasyon Party-list, ang hepe ng PCOO na si Sec. Martin Andanar, ay dapat rin sumunod kay Uson.
Ang pagbibitiw ni Uson, ani Belaro ay isang gintong oportunidad para sa Malacañang at sa PCOO na baguhin ang anyo ng ahensiya.
Iminungkahi rin ni Belaro na magkaroon ng masusing audit sa PCOO lalo na sa opisina ni Uson.
Aniya si Uson ay isa lang sa mga sintomas kung anong masama mayroon sa PCOO.
Dagdag ni Belaro, ang PCOO, kabilang ang Philippine News Agency (PNA) ay dapat na pinamumunuan ng “competent” na mga tao.
Sa panig ni Akbayan Rep. Tom Villarin, “contemptuous” at arogante si Uson.
Ang pagtanggi niyang humarap sa kongreso ay saliwa sa asal na inaasahan sa isang opis-yal ng gobyerno.
“She’s devilishly arrogant and mischief is her virtue. As a public servant she should not be beyond public scrutiny and admonition,” ani Villarin. Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, nagtatanggal na ng bagahe si Pangulong Duterte para maisalba ang kanyang imahe.
“‘Yung kaisa-isang malinaw na tungkulin na ibinigay sa kanya ng Pangulo (federalism IEC) e nagdulot ng embarrassment sa Malacañang,” ani Baguilat.
Ang maikling paninilbihan ni Uson ay nabahiran ng katakot-takot ng kontrobersiya, ani Magdalo Rep. Gary Alejano.
(Gerry Baldo)