SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte si Labor Underscretary Joel Maglunsod, ang huling opisyal sa kanyang administrasyon na rekomendado ng National Democratic Front (NDF).
Hindi direktang tinumbok ng Pangulo ang dahilan ng pagpapaalis niya kay Maglungsod ngunit hindi ikinubli ang pagkapikon sa patuloy na pagsasagawa ng strike ng mga obrero na nakaaapekto aniya sa ekonomiya ng bansa.
“Pero ang solusyon talaga dito, doon sa urban areas, iyong mga labor-labor, mga t******** rin ‘yang kasama ninyo and sa white area, ‘yung agitation ng ano, ‘yan paghuhulihin ko talaga ‘yan. Kasi kung mag-strike sila nang mag-strike, sabihin mo sa kanila strike sila nang strike, they willl paralyze the economy. ‘Pag wala nang pera ang mga trabahante tapos magkagulo, mapipilitan ako. Ayaw ko,” anang Pangulo.
Kung ‘papasukan’ aniya ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang mga unyon ng mga manggagawa ay uutusan niya ang mga awtoridad na hulihin ang mga taga-KMU.
“Pero kung papasukan na, huhulihin ko lahat ‘yang Mayo Uno at si Joel Maglungsod, iyong Undersecretary ng DAR — Labor Joel Maglungsod pinaalis ko. Pinagbigyan ko sila noong bago ako kasi gusto ko ma… Nandoon sila sa opisina, Joel Maglungsod, sila lahat. Sige pa sila — sama-sama pa kami sa Davao,” dagdag niya.
Si Maglunsod ay dating Anakpawis party-list representative at naging secretary general at vice chairperson ng KMU.
Nauna rito, isiniwalat ng militar na bahagi ng Red October ouster plot ang Oplan Aklasan o ang operational plan na ikinakasa ng Communist Party of the Philippines (CPP) at kanilang prenteng organisasyon na magkakasabay na pag-aaklas ng mga pabrika at boycott sa mga unibersidad na magbibigay daan sa pagpapatalsik kay Pangulong Duterte.
(ROSE NOVENARIO)