MAGIGING masakit iyong pakinggan para sa mga naunang artista, pero matapos na kumita ang pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ng mahigit na P700-M at ideklara nila iyong the biggest film grosser of all time, natabunan na ang sinasabing kinita ng Guy and Pip noong early ‘70s, o iyong mga kinita nina Sharon Cuneta at Robin Padilla noong 80’s. Tinalo na rin ng KathNiel ang mga pelikula noong araw niyong love team na Vi and Bot.
Pero siyempre iba pa naman ang pelikula noon. Ang mga pelikula noon inilalabas lang sa dalawang sinehan sa Maynila, at siguro mahigit na 100 sinehan sa buong bansa sa loob ng isang taon. Ngayon naman inilabas ang kanilang pelikula sa mahigit na 100 sa Metro Manila lamang at mahigit na 200 nationwide nang sabay-sabay. Kailangang isipin din na noong panahon ng Guy and Pip at Vi and Bot, ang bayad sa sine ay P26 lamang, kompara sa halos P300 ngayon. Pero kung ang kukunin mong statistics ay hindi nga ang kinita kundi ang bilang ng mga nanood na tao, panalo rin talaga ang KathNiel.
Kaya nga ngayon sinasabing sila ang biggest love team of all time. Ang kailangan namang patunayan ngayon ng KathNiel ay kung tatagal din sila kagaya ng Guy and Pip at Vi and Bot. Pero sa tingin namin, tatagal pa eh. Ngayon may mga ginagawa silang projects na hindi na sila ang magkasama. Tama naman iyon dahil baka magsawa ang mga tao kung lagi na lang sila, at matagal na rin naman iyong panahong sila na lang nang sila ang magkasama. Si Daniel, naging blockbuster din ang pelikulang kasama si Vice Ganda kahit na wala si Kathryn. Kailangan naman ngayong patunayan ni Kathryn na may magic pa rin siya kahit na wala si Daniel sa kasunod niyang pelikula.
Pero sa ngayon, mukhang safe na nga yatang sabihin na sila na ang biggest love team of all time, lalo na nga’t mukhang nagsipag-lamig na ang mga love team na kasabayan nila.
HATAWAN
ni Ed de Leon