LANTARANG inihayag ni Philippine Charity Sweepstakes Office Director Sandra Cam na umaabot sa mahigit kalahating bilyong piso ang hindi inire-remit sa PCSO ang singil sa Small Town Lottery (STL).
Sinabi ni Cam, malaking pera ang nawawala sa kaban ng PCSO dahil sa kagagawan ng mga delinkuwenteng STL operators na ‘pinoproteksiyonan’ umano ng ilang tiwaling opisyal ng PCSO.
“Lumaki nang lumaki ang shortfall o deficit sa kita ng STL ng PCSO dahil may nagbibigay sa kanila ng proteksiyon,” ani Cam.
Malakas umano ang loob dahil hindi pa rin kanselado ang mga lisensiya o prankisa ng STL operators sa kabila ng kanilang pagiging delinkuwente ay binibigyan umano sila ng ‘proteksiyon’ at kumakapit sa mga opisyal ng PCSO.
Ayon kay Cam, inireport na umano niya kay GM Balutan ang mga delinkuwenteng operators pero ang sagot umano sa kanya ay pagbigyan na lamang.
Isa sa pangunahing dahilan sa pagkakansela ng prangkisa o lisensiya ng STL operator ay hindi pagre-remit ng kita sa PCSO.
Aniya, mag-iisang taon nang hindi nagre-remit ng pera sa PCSO ang mga delinkuwenteng operators kaya malaking pondo ang nawawala sa kaban ng gobyerno na dapat sana ay maitutulong sa mahihirap at mailalaan sa paggawa ng iba’t ibang proyekto.
Inihayag ni Cam, ang mga hindi nagre-remit na operators ay mga dating heneral o mga kamag-anakan nila.
Nangako si Cam na ipaparating niya kay Pangulong Duterte ang problemang ito sa STL.
Sinabi ni Gen. Balutan na huwag sila ang sisihin ni Cam kung hindi niya masingil ang mga operator ng STL. Nabatid si Cam ang in-charge sa koleksiyon ng mga utang sa PCSO.