MUNGKAHI pa lang naman na hindi kailangang agarin ang pagsasabatas ng ini-raise ni House Speaker Tito Sotto tungkol sa pagpalit ng huling dalawang linya sa ating Pambansang Awit, ang Lupang Hinirang.
Nais kasi ni Sotto na baguhin ito at gawing “ang ipaglaban mo ang kalayaan mo.”
Kilalang kompositor si Sotto, pero para sa amin ay hindi na niya kailangan pang saklawan ang ating national anthem na matagal nang panahong inaawit bilang paggalang sa ating watawat.
Reiterasyon o pag-uulit na lang ang nilalaman ng pitak na ito sa nagkakaisang obserbasyon sa gustong mangyari ni Sotto.
Sa halip nga naman kasi maging pasimuno siya para solusyonan ang implasyon (inflation) sa bansa para tugunan lalong-lalo na ang mga pangangailangan ng mga mahihirap (na bumoto sa kanya), gusto pa niyang pakialaman ang nananahimik na national anthem.
Isang mabigat na pasanin sa balikat ng ating mga mamamayan ang hinayupak na TRAIN Law na ‘yan. Bakit hindi ito ang pagdiskitahan ng nagmamagaling na senador?
Bukod dito’y marami pang suliranin ang pinagdaraanan nating mga Pinoy, halimbawa’y ang war on drugs na ewan kung napanagumpayan nga natin. At marami pang iba.
Minsan nang pinamunuan ni Sotto noon ang drug campaign ng bansa. Hindi man siya ngayon ang naatasang resolbahin ito, kahit paano’y mayroon siyang mga maimumungkahi.
But as it is, national anthem ang focus niya na as if naman, kapag nabago ang dalawang huling linya nito’y makaaahon si Juan de la Cruz sa lugmok nitong kinasasadlakan.
Mabuti pa kaya, eh, bumalik na lang uli sa pagko-compose itong si Sotto. Tutal, doon naman siya magaling.
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III