INIHAHANDA ng mga awtoridad ang isasampang kaso laban sa isang hepe ng pulisya sa Bulacan na inaresto dahil sa pangongotong sa arestadong drug suspect.
Ang opisyal ay kinilalang si Supt. Jowen dela Cruz, hepe ng Bocaue Police Station, inaresto sa mismong kaniyang tanggapan sa inilunsad na joint operation ng PNP Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Intelligence Group.
Una rito, ayon kay Supt. Joel Estaris, deputy commander ng PNP-CITF, dumulog sa kanilang tanggapan ang kapatid ng isang bilanggo na inaresto sa buy-bust operation noong 5 Setyembre.
Ayon sa nagreklamo, kinuha ng chief of police ang SUV Montero ng kapatid ngunit hindi inilista bilang kasama sa mga ebidensiya laban sa kanya.
Sa ulat, napag-alaman na ang sasakyan ay personal na ginagamit ni Dela Cruz at ayon sa nagreklamo ay ibabalik lamang aniya ito ng opisyal kapalit ng i-Phone X na P75,000 ang halaga.
Isinagawa ng mga awtoridad ang entrapment operation laban sa opisyal gamit ang mamahaling cellphone na kaniyang hinihingi.
Lumabas din sa inisyal na imbestigasyon na bukod sa sasakyan, sa panunungkulan ni Dela Cruz ay nawawalan ng mga gamit ang mga inmate tulad ng sapatos, motorsiklo at iba pang gamit.
Sinasabi pang naging modus din ng opisyal ang pagkuha sa mga sasakyan ng arestadong mga suspek at personal na ginagamit sa kaniyang mga lakad.
Ang operasyon laban kay Dela Cruz ay isinagawa ng naturang mga ahensiya ng PNP, sa koordinasyon kay C/Supt. Amador Corpus, ang regional director ng PRO3.
(MICKA BAUTISTA)