BUBUSISIN ang panukalang P3.7 trilyong budget para sa taong 2019 bago ipasa sa pangatlo at huling pagdinig.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, pinuno ng Committee on Appropriations, magdo-double time ang Kamara sa pagbusisi sa budget para maipasa ito bago mag-adjourn sa Oktubre.
Anang mambabatas, medyo nahuli sila sa pag-uumpisa sa pagdinig ng budget pero gagawan nila ito ng nararapat na paraan para matapos at maipasa.
Naantala ang pagdinig sa budget matapos matuklasan na may mahigit P50 bilyong pondo ang nakatago sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa piling kongresista.
Ang pondo ay pag-uusapan ng “committee of the whole” kung saan ito ililipat.
Ayon kay House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr., maganda ang umpisa ng pagdinig sa budget noong Miyerkoles.
Nag-umpisa sila ng 10:00 am ng Miyerkoles at natapos ng 4:00 am ng Huwebes o katumbas ng 18 oras na session.
Ani Andaya, minarapat ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na tapusin ang lahat ng debate sa budget ng bawat ahensiyang nakasalang sa araw-araw “regardless of time,” ani Andaya.
Nag-umpisa ang debate sa budget pagkatapos magtalumpati si Compostella Valley Rep. Maria Carmen Zamora, senior vice chairperson ng House appropriations committee, patungkol sa budget.
(GERRY BALDO)