KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang mag-asawa makaraan saksakin ng kanilang anak na lalaki na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip dahil sa pagkagumon sa droga, sa Makati City, kahapon ng madaling-araw.
Inoobserbahan sa Ospital ng Makati ang mga biktimang sina Allan Astillero, 48, at Aracelie, 59, residente sa Guiho Extension, Brgy. Cembo ng lungsod.
Habang tinutugis ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si Carigie Astillero, 20-anyos.
Ayon kay Makati City Police chief, S/Supt. Roger Simon, nangyari ang insidente dakong 5:30 am sa bahay ng mga biktima.
Sa imbestigasyon, pinagsasaksak ng suspek ang kanyang ama na papasok na sana ng trabaho at ang ina habang nagliligpit sa kanilang bahay.
Tumakas ang suspek makaraan ang insidente habang isinugod sa naturang pagamutan ang mga biktima ng kanilang mga kapitbahay.
Ayon sa pulisya, may sakit umano sa pag iisip ang suspek dahil sa droga. Ang suspek ay nakulong noong Agosto 2018 dahil sa mga kasong grave threat, illegal possession of deadly weapons at sa droga.
Sinasabing hindi umano natulungan ng mga magulang nang makulong sa Makati City Jail ang suspek kaya nagtanim ng galit sa mga bik-tima.
Ayon kay Simon, nitong 17 Setyembre, tangkang tumakas ang suspek mula sa Makati City Jail ngunit binaril sa paa at kamay ng mga nakatalagang jail officer.
Makaraan ipagamot sa ospital ay ibinalik sa naturang kulungan ang suspek ngunit kinahapunan ay lumabas ang commitment order para sa kanyang paglaya.
Nang makauwi ang suspek sa kanilang bahay ay inundayan ng saksak ang kanyang mga magulang. Isa sa tinitingnan ng pulisya ang posibleng paghihiganti sa mga magulang ng suspek na nagtanim ng galit nang siya ay makulong.
(JAJA GARCIA)