ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine Army Commanding General Rolando Bautista bilang bagong administrator ng National Food Authority (NFA) kapalit ni Jason Aquino na nagbitiw noong nakaraang linggo.
“NFA ka na. Mabait ‘yan si Rolly,” anang Pangulo sa command conference sa kapitolyo ng Cagayan sa Tuguegarao City kahapon.
Sinabi ni Pangulong Duterte, nais niyang ayusin ni Bautista ang ‘idiotic structure’ sa NFA at tiyakin ang matatag na supply ng bigas sa buong bansa.
“There is a death of substantial knowledge of where the rice is (during calamity). I need somebody I can trust at masabihan ko na fix that. So wala na ako ibang mailagay, so si Bautista muna. In the meantime you have to help the country and rationalise everything there. Keep a level of inventory,” atas ng Pangulo kay Bautista.
Binigyan-diin ng Pangulo na pabor siya sa panukalang rice tariffication at pagtanggal ng import quota upang bumaba ang presyo ng bigas at magkaroon ng matatag na supply sa pamilihan.
Si Bautista ay nakatakdang magretiro sa darating na 15 Oktubre o pagsapit ng mandatory retirement age na 56-anyos. Si Bautista, mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class ‘85 ay nagsilbi rin bilang pinuno ng Presidential Security Group (PSG) at Task Force commander sa Marawi crisis.
(ROSE NOVENARIO)