TINAWAG ni Senador Antonio Trillanes IV bilang political persecution at isang malaking kalokohan ang pagbawi ng Malacañang sa amnestiya na ipinagkaloob sa kanya noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon kay Trillanes, hindi totoong wala siyang application form na pinirmahan para sa amnesty program ng gobyerno.
“Ito ay isang malaking kalokohan. Alam n’yo po, hindi naman ako bibigyan ng amnesty kung hindi ako nag-comply sa requirements,” wika ni Trillanes.
“Sumumpa ako kay former Secretary of Defense Voltaire Gazmin at mapapatotohanan ‘yan ng DND officials. Absolutely complied lahat ‘yan,” sabi ng senador.
Giit ni Trillanes, ang amnestiya ay isang Act of Congress at hindi ito maaaring burahin ng isang Executive Order.
Bukod dito, dismiss na aniya ang lahat ng kaniyang mga kaso noon kaya’t hindi na maaaring dinggin pang muli sa mga korte dahil ito ay magiging double jeopardy.
Tinukoy ng senador si Solicitor General Jose Calida bilang nasa likod ng naturang ‘revocation’ para umano pigilan ang kaniyang pagsisiwalat sa mga katiwalian ng pamilya ng opisyal.
Kaugnay nito, tiniyak ni Trillanes na hindi niya tatakasan ang kaso maging ang posibilidad ng pag-aresto sa kaniya, at hindi magre-resist sa arresting officers.
Sa kasalukuyan, ginagawa na aniya ng kanilang legal team ang lahat ng kanilang makakaya upang kontrahin ang proklamasyon ng Palasyo.
(CYNTHIA MARTIN)