PARANG maling senyales ang ipinararating ni Joshua Garcia sa kanyang mga kaekaran, mapa-kapwa lalaki o opposite sex.
Sa isa kasing panayam sa kanya ay ibinahagi niya ang kanyang patuntunan sa buhay pagdating sa pakikipagrelasyon. Aniya, nais muna niyang magkaroon ng anak.
Sa edad na 27 niya gustong magkaroon ng supling samantalang hinog na raw ang edad na 30-anyos para magpakasal.
Alam ng lahat na may namamagitang relasyon sa kanila ni Julia Barretto. Unless mayroon silang ganitong usapan, ano ba ang pakialam natin? It’s their life anyway.
Pero para ibalandra pa siguro ni Joshua ang kanyang “motto,” mukhang malayo ito sa dapat sana’y pagiging role model niya sa mga kabataan.
Wala rin kasi itong iniwan sa pagsang-ayon sa pre-marital sex. Pagtatalik muna bago kasal.
Bigla tuloy namin naisip si Nadine Lustre na hindi nalalayo ang pananaw. Balita kasing nagli-live in na sila ng nobyong si James Reid. And anything can lead to sharing one roof minus the blessing of marriage.
Para kay Joshua ay trial and error lang pala ang sumuong sa isang relasyon. Ito’y short of labeling it as pagiging sigurista.
Kung tutuusin, hindi naman bago sa pandinig ang “anak-muna-bago-kasal” setup ng ilang mga magnobyong artista.
Nariyan sina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati na nabiyayaan ng isang Baby Zeus bago nila plantsahin ang planong magpakasal. And many others.
Ang kaibahan nga lang, tulad ni Joshua ay dati ring matinee idol si Richard pero ni minsan ay hindi niya sinabing anak muna ang gusto niya, wedding to follow.
May pananagutan ang Star Magic sa kaso ni Joshua.
Values formation ang dapat ituro o i-indoctrinate kay Joshua dahil anuman ang kanyang sabihin o gawin ay mayroon itong impact sa kanyang mga tagahanga—o fans nila ni Julia—na puwedeng mag-isip na okey lang naman pala ang ganoong pananaw.
Alarming ito sa mga magulang na nagsisikap hubugin ang kanilang mga anak at iiwas sa maagang parenthood lalo’t hindi pa handa ang mga ito.
Mas bibilib kami kay Joshua kung mas isinusulong niya ang pag-aaral among boys his age—and even girls—kaysa isentro ang paksa sa pagiging isang binatang ama.
Kami man ang magulang ng isang anak na humahanga kay Joshua, pagsasabihan namin ang bata na huwag pamarisan ang kanyang idolo.
And probably ask our son na iba na lang ang idolohin, huwag si Joshua Garcia.
No relation to “Pining Garcia.”
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III