HINIMOK ni House Majority Leader Rolando Andaya si Pangulong Rodrigo Duterte na tipunin ang National Security Council (NSC) at ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para pag-usapan ang progreso ng Marawi rehabilitation program at ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
“I would suggest that Malacañang call a meeting of the National Security Council, or even LEDAC, para mapag-usapan ang progress ng Marawi rehabilitation and the implementation of the Bangsamoro Organic Law,” ani Andaya.
“Dapat malaman kung may problema sa funding,” ayon kay Andaya, “kaya dapat makonsulta ang mga taga-Mindanao.”
Aniya, mahalagang malaman ng Kamara kung ano ang pananaw ng Mindanao bloc.
Ayon sa isang negosyanteng taga-Marawi, napakabagal ng rehabilitation sa lungsod.
Wala pa, kahit isang pag-aari niya ang naitayong muli ng gobyerno.
Ang Marawi at ibang parte ng Mindanao ay nasa ilalim ng Martial Law mula nang sumiklab ang hidwaan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng Maute group.
Sa pagdinig ng budget ng Office of the President noong Miyerkoles, nagpahiwatig si Executive Secretary Salvador Medialdea na balak ng pangulo na palawigin muli ang Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, suportado niya ito matapos ang pagbomba sa Sultan Kudarat noong Martes.
Ayon kay Arroyo, bilang isang dating presidente, alam niya kung ano ang kailangan ng bansa para tugonan ang patuloy na pagkilos ng mga terorista sa Mindanao.
Aniya, susuportahan niya ang pagpalawig sa Martial Law kung gugustuhin ng pangulo.
Sangayon si Andaya dito. Aniya, ang pagdedeklara ng Martial Law ay diskresyon ng Ehekutibo.
(GERRY BALDO)