NAGLABAS ng memorandum si Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-In-Charge (OIC) Eduardo Año na inaatasan ang bawat barangay na paunlarin ang kanilang Solid Waste Management.
Sa kanyang memorandum, iniutos ni Año sa mga halal na opisyal ng barangay na i-reorganize ang kanilang Barangay Ecological Solid Waste Management Committee (BESWMC).
Sa pamamagitan umano ng reorganisasyon ng komiteng ito sa barangay, magkakaroon ng realidad na maaaring maging maayos at malinis ang bawat lugar sa bansa lalo yaong mga urbanisado na.
Sa totoo lang, kailangan naman talaga ang ganitong pagkakaisa para maging malinis ang ating bansa.
Pero ang ipinagtataka natin, kung hindi tayo nagkakamali, bilyon-bilyong piso ang nakalaang budget ng bawat lungsod para sa kanilang solid waste management pero bakit may mga lungsod pa rin na naiiwan kapag ‘basura’ ang pinag-uusapan?!
Sabi nga nila, “may pera sa basura.”
At totoo iyan, sa local government officials (LGUs). Sila lang ang nagkakapera habang nabubuhay sa mabahong lungsod ang kanilang constituents.
Hindi naman lahat ng lungsod ay ganyan ang katayuan.
Isang halimbawa ang Makati City na ang pinag-uusapan ngayon ay pagpapakabit ng libreng wi-fi sa buong lungsod. Habang ang ibang lungsod hanggang ngayon ang isyu ay mabantot na basura pa rin.
Sabi nga, ang mga lungsod na ‘yan ay ‘salamin’ ng ating bansa. Maraming turista ang pumupunta sa iba’t ibang lugar sa bansa lalo doon sa mga siyudad na tourist destination.
Ang siste, kung hindi asong gumagala sa kalye, mapanghing bangketa, ‘e tambak ng basura ang nakikita ng mga turista sa mga pangunahing lansangan.
E paano ba ‘yan, DILG chief, OIC Año?!
Ang daming ganyan sa Metro Manila kahit bilyon-bilyong piso ang budget sa basura?!
Palagay ba ninyo ay tatalab pa ang memorandum ninyo sa mga barangay gayong nakikita nilang matataas na opisyal ng LGUs ang naglulustay?!
Wala bang mas matalas na measure o memorandum para sa LGU officials na pinagkikitaan ang bilyon-bilyong budget sa basura kaysa linisin ang lungsod nila?!
Ano sa palagay ninyo, DILG chief Año?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap