MAANGAS ang ipinakitang tikas ni Fil-American Jordan Clarkson sa laban ng Philippine Team versus China noong Martes.
Kumana si NBA Cleveland Cavaliers guard Clarkson ng game-high 28 points para sa team Pilipinas na kahit natalo ay pinahirapan nila ng todo ang powerhouse China, 80-82.
Dahil nanalo sa unang laro sa Group D elimination round kontra Kazakhstan ay swak sa quarterfinals ang Philippine Team.
Muling mapapalaban ang mga Pinoy cagers dahil katapat nila sa knockout quarters ang kontrapelong Korea ngayong araw sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Inaasahang mas babangis si Clarkson dahil hindi kasingtangkad ng Korea ang China na may mga seven footer.
“I think the next game we’ll see him play better,” panigurado pa ng ama ni Clarkson na si Mike na nasa Jakarta rin.
Ilang araw din na nagsanay si Clarkson sa sistema ni head coach Yeng Guiao at bahagyang komportable na ang Pinoy star.
“I know Jordan can score at will, anytime, kung gugustuhin niya,” wika ni Guiao. “Pero that’s a really hard way of trying to win the game. He must involve his teammates, he must get some help from the others, and we have already incorporated that into the game plan.” (ARABELA PRINCESS DAWA)