READ: Acting ni Daniel, ‘di na pa-cute
ANO mang palusot ang lumabas later on, maliwanag na hindi na naman kumita ang festival ng mga indie. Isang linggo ring nakapangalumbaba ang mga may-ari ng mga sinehan sa buong Pilipinas. Maski na ang kanilan top grosser, hindi mo matatawag na isang hit movie dahil maliit lang naman ang kinita, at ang masakit, iyong mga pelikulang suwerte nang makakuha ng isang sinehan sa karaniwang panahon, ipinalabas pa sa 50 sinehan.
Ang pagdami ng sinehang okupado nila ay hindi makadaragdag ng audience. Nahahati pa ang mga manonood kaya lalong walang laman ang mga sinehan. May mga pagkakataon pa umano na suspendido ang screening dahil wala namang pumapasok.
Ngayon babalik na naman tayo sa kanilang paghihimutok at pagsasabing “nasaan na ang mga manonood ng pelikulang Filipino.”
Maliwanag po ang sagot, nariyan lamang ang fans ng pelikulang Filipino, pero talagang namimili lang sila ng pelikulang gusto nilang panoorin. Hindi mo sila puwedeng piliting manood ng sine. Nawala na rin iyong gaya noong araw na basta walang magawa manonood ng sine, dahil kasing ganda na rin ang mga palabas sa telebisyon, libre pa.
Dapat tigilan na ang mga pretention sa paggawa ng pelikula. Uminom na lang sila ng isang basong malamig na tubig. Makatutulong iyon para sila mahimasmasan at baka sakaling makagawa pa ng isang pelikulang kikita.
Bakit ba hindi problema ng MMFF kung kikita sila o hindi? May mga pelikula rin silang hindi kumikita, pero daang milyong piso ang hinahakot ng mga pelikulang kumikita sa kanilang festival. Bakit sa MMFF may pera ang audience, bakit sa ibang festivals ay wala? Simple lang, ayaw nilang pagkagastahan ang ganoong klaseng pelikula. Hindi pa ba maliwanag sa inyo iyan?
HATAWAN
ni Ed de Leon