HALOS 2,000 sako ng puslit na asukal, tinatayang P6 milyon ang halaga, ang nasabat mula sa motorboat sa Zamboanga City, kamakalawa.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), lulan sa MV Fatima Shakira ang asukal mula sa Malaysia, at dumaan sa Bongao, Tawi-Tawi.
Ngunit walang naipakitang wastong dokumento ang kapitan ng motorboat para sa nasabing kargamento.
“Initial investigation na ginawa po natin ay galing Malaysia. The same brand ng sugar ‘yung nanggaling po saan, ‘yung nahuli po noong nakaraan,” ayon kay Coast Guard Station-Zamboanga City Commander Noriel Ramos.
Dagdag niya, “Ito ‘yung nagdadala po ng smuggled rice from Malaysia. So na-intercept po natin ‘yan dito sa bandang Pilas and Kawit.”
Sinabi ng kapitan ng motorboat, na si Alkaser Jaafar, ang kargamento ay mula sa Jolo, Sulu.