HINDI malayong maganap ang aking pinangangambahan na tuluyang itumba ang apat na makakaliwang lider na sina Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casino at Rafael “Paeng” Mariano sakaling matunton sila ng mga tiwaling kagawad ng PNP sa kanilang pinatataguang safehouse.
Ilang kaso na ba kasi ang sinasabing nanlaban kaya sapilitang nababaril ng mga pulis ang isang suspek? O kaya naman ay nang-agaw daw ng baril kaya pinaputukan o ‘di naman kaya ay nakipagbarilan kaya niratrat ng mga pulis?
Nakababahala ang kalagayan ngayon nina Satur, Liza Teddy at Paeng. Ito kasi ang panahon na higit na mabalasik ang mga sunod-sunod na pangyayaring salvaging o tinatawag ngayong extrajudicial killing.
At bakit ba kaagad nagpatawag ng press conference si PNP Chief Oscar Albayalde matapos pumutok ang balitang may warrant of arrest na inilabas ang korte laban sa apat na militanteng lider? Para bang mayroong pagbabanta itong si Albayalde nang sabihing kailangang sumuko na sina Satur, Liza, Teddy at Paeng bago pa sila matunton ng mga pulis at maaresto.
Sa presscon ni Albayalde, para bang alam na niya na hindi susuko ang apat sa kabila ng ilang araw pa lamang naman natatanggap ng kampo nina Satur ang warrant of arrest dahil sa kasong murder na inisyu laban sa kanila. Sir Tsip, ‘wag n’yo naman unahan ang mga pangyayari, hane?
At ang higit na nakabibigla ang pag-aalok ng P1 milyong reward money ng grupo ni Ferdinand Topacio para mahuli ang apat na lider ng makakaliwang grupo. Lumalabas tuloy na parang hardened criminals sila sa ginawang aksiyon ni Topacio.
Sa pag-aalok ng P1 milyong reward money, higit na nalalagay ngayon sa panganib ang buhay ng apat na akusado. Tiyak na kikilos nang palihim ang “bounty hunters” para makuha nila ang perang pabuya kapalit ng ulo nina Satur, Liza, Teddy at Paeng.
Walang paglagyan ngayon ang apat. Bilang kilalang mga leftist leader, wala rin silang masasabing bargaining chip na maaaring gamitin dahil ibinasura na rin ang peace talks sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, galit si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa mga makakaliwang grupo at masasabing hindi ito paborable sa kasalukyang sitwasyon ng apat na makakaliwang lider na ngayon ay pawang mga pugante ng batas.
Kaya nga, kailangang maghinay-hinay at mag-ingat nang husto sa kanilang seguridad sina Satur, Liza, Teddy at Paeng. Hindi malayong isang araw makita na lamang na duguan ang kanilang mga katawan, katabi ang mga kalawanging baril na revolver gawa sa Danao.
SIPAT
ni Mat Vicencio