KINUWESTIYON ng dalawang senador nitong Miyerkoles ang P90 milyon budget para sa information and dissemination campaign sa federalismo na itinutulak ng administrasyon.
Kinuwestiyon ni Senador Francis Escudero kung bakit mayroon nang alokasyon para sa federalism program na hindi pa naaaprobahan.
“Wala pa ngang approved federalism, ano ang ikakampanya natin? We don’t even know what shape, size, color, or format. What will we disseminate? It is a draft proposed constitution, na pagdedebatehan pa sa House (of Representatives), hindi pa nga natin alam anong hugis o itsura no’n,” pahayag ni Escudero sa budget briefing sa Senado.
“Hindi ba dapat ang ide-disseminate natin ‘yung aprobadong version para maintindihan ng tao? Hindi ‘yung kung ano pa lang ang pinagdedebatehan na puwedeng magbago completely e ‘yun ang ilalako natin,” dagdag niya.
Gayondin, sinabi niyang ang fund allocation para sa programang hindi pa naaaprobahan ng Kongreso “goes beyond the logic of the program spending, planned spending of the government.”
Kasabay nito, kinuwestiyon niya kung saan magmumula ang P90 milyon pondo dahil hindi ito kasama sa 2018 budget.
“We are already at that stage, may na-allocate na P90 million para sa information dissemination sa federalism. Saang item [kukunin] ‘yun under the DAP (Disbursement Acceleration Program) ruling? I don’t recall an item in the budget in 2018 on the information dissemination, campaign for federalism,” aniya.
Nauna rito, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, binuo na ang inter-agency task force na magsasagawa ng nationwide information dissemination campaign ukol sa federalismo.
Sinang-ayonan ni Senator Loren Legarda ang sentimyento ni Escudero. “It’s true, it’s confusing, hindi bale kung isa lang pero ang dami-daming versions. They have these viber threads on their own versions. We are not even sure if we are changing … from present to what? We don’t want to spread confusion to the people,” aniya.
Itinanong din niya ang hinggil sa comprehensive report ng economic team hinggil sa direct at indirect costs at epekto ng pagpapatupad ng proyekto sa federalismo.