PORMAL na pinasinayaan ng pamahalang lokal ng lungsod ng Muntinlupa, sa pangunguna ni Mayor Jaime Fresnedi, ang pagbubukas ng Colegio de Muntinlupa (CDM) para sa mga estudyanteng mag-aaral ng mga kursong engineering sa naturang siyudad.
Isinagawa ang blessing and inaguration nitong 3 Agosto 2018 sa apat-palapag na gusali ng engineering school na pinondohan ng pamahalaang lokal ng P208 milyon, matatagpuan sa Posadas Avenue, Brgy. Sucat, Muntinlupa City.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Fresnedi na hangad niyang maging isang “invesment hub” ang lungsod kaya’t puspusan niyang isinusulong ang iba’t ibang programa para sa ikabubuti ng mga Muntilupeño.
Dagdag ang mga pagkilala sa sama-samang pagtutulungan ng lahat tulad ng “Most Business Friendly” noong 2017 at kamakailan lamang ay nagkamit ng mga parangal mula sa “Nutrition Council of the Philippines-Green Banner Award.”
Labis din ang suporta ni Congressman Ruffy Biazon (lone-district Muntinlupa) na isa sa mga dumalo sa inagurasyon ng CDM, sa lahat ng mga programa ni Fresnedi dahil naniniwala siyang nasa mabuting direksiyon ang lungsod at kaisa siya sa patuloy na pag-unlad ng Muntinlupa.
Dumalo rin si City Administrator Engineer Allan Cachuela, mga konsehal at ang pamunuan ng CDM.
Ang state of the art CDM ay magiging solar-powered, may rain water collection, may wind dual piping at mayroong sun and wind breakers.
Ang mga kurso sa CDM ay kinabibilangan ng BS Civil Engineering, BS Computer Engineering, BS Electronics Engineering, BS Electrical Engineering at BS Mechanical Engineering.
(MANNY ALCALA)