INIREKOMENDA ni Senadora Nancy Binay kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, ang pag-imbita kay Communications Group Assistant Secretary Mocha Uson, bilang isang resource speaker, sa susunod na pagdinig ng Senado ukol sa panukalang Charter Change o pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ayon kay Binay, makatutulong ito upang mapakinabangan si Uson ng pamahalaan upang tuluyang malinawan at mabatid ng publiko ang federalismo.
Iginiit ni Binay, mas maiging maipresenta ni Uson sa Senado ang kampanya ukol sa federalismo at ukol sa panukalang pagbabago ng ating Saligang Batas.
Binigyang-diin ni Binay, panahon na upang malaman ng Senado kung paano ginagastos ni Uson ang inilaang P90 milyon ng Department of Interior and Local Government at Consultative Committee upang ipaalam o bigyan ng kaalaman ang publiko sa kampanya at balakin ng pamahalaan na pagbabago sa Saligang Batas.
“In light of the plans of DILG and the Consultative Committee to have Asec Mocha Uson as the lead evangelist of the Federalism Caravan, siguro mas maganda kung mai-invite ni Sen. Kiko si Asec Mocha as one of the resource persons sa kanyang committee para mag-present sa Senado. Being the designated messenger, we also wanted to hear how she would articulate or interpret the salient points of the proposed federal charter and explain to the people how a shift in the form of government could move the country forward. Dagdag na rin ang kanyang iba pang concept or idea sa information campaign using social media,” ani Binay.
(NIÑO ACLAN)