MAKARAAN maramdaman ng taong-bayan ang resulta ng TRAIN Law ay agad inianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang TRAIN Law 2 o panibagong tax reform package.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang TRAIN Law ay makatutulong para sa mga maliliit na manggagawa at negosyante
Tinukoy ni Duterte na halos 99 porsiyento ng mga negosyo ay pawang mga kabilang sa micro small enterprise.
Kaya dapat ay makakuha ng maliit na pagbabayad ng buwis sa kanilang maliit na kita mula sa kanilang negosyo.
Nanindigan si Dutete na hindi niya ipasususpende ang pagpapatupad ng TRAIN Law sa kabila ng mga panawagan.
Binigyang-diin ni Duterte na malaki ang naging tulong ng naturang batas upang sa ganoon ay lalong maging matatag at umunlad ng ekonomiya ng bansa.
Isa sa mga ipinunto ni Pangulong Duterte na naging resulta ng TRAIN Law ay pagbibigay ng tulong sa senior citizens, aniya’y mahigit 40 porsiyento na ang nakatatanggap ng benepisyo, kabilang ang Pangtawid Pamilya Program.
At kaniyang inaasahan na sa susunod na mga araw ay mabibigyan pa nila ang 60 porsiyento ng nasabing sektor.
Idinagdag ni Duterte na patuloy rin ang pagbibigay ng diskuwento sa mga pampublikong sasakyan at libreng bigas para sa mahihirap.
Nanawagan si Duterte sa Kongreso na sana bago matapos ang taon ay kanya nang malagdaan ang TRAIN Law 2 o panibagong tax reform package. (NIÑO ACLAN)