NAG-COURTESY CALL ang dating Prime Minister ng Denmark na si Helle Thorning-Schmidt kay Mayor John Rey Tiangco sa kanyang opisina sa Navotas City Hall.
Bilang Chief Executive Officer ng Save the Children, sinuri ni Thorning-Schmidt ang mga programa at aktibidad ng lungsod na may kinalaman sa nutrisyon.
Sa pamamagitan ng Navotas City Health Office, iniulat ni Tiangco na ang Navotas ay may Operation Timbang Plus, Community Deworming and School Monitoring, Supplemental Feeding Program, Micronutrient Supplementation Program, at iba pa.
Mula 2.06% noong 2016, ang malnutrition rate ng lungsod ay lumagpak sa 1.6% noong nakaraang taon.
Nang tanungin ni Thorning-Schmidt kung ano ang inspirasyon niya sa kanyang patuloy na suporta sa programang pang-nutrisyon ng lungsod, sagot ni Tiangco, “Pamilya.”
“Tulad ng bawat Filipino, pinapahalagahan ko ang aking pamilya. Gusto natin na sila ay ligtas, malayo sa sakit, at may magandang oportunidad sa buhay. Masisiguro lang natin ‘yan kung sila ay malusog at may wastong nut-risyon,” aniya.
(JUN DAVID)