APRUB na ng Senado sa 3rd at final reading ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).
Ang BBL ang isa sa priority measures na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Dahil dito, magpupulong ang mga kinatawan ng dalawang kapulungan para magkaroon ng isang bersiyon na kanilang pagtitibayin sa kanilang pagbabalik sa sesyon sa Hulyo.
Makaraan ang masusing amyenda ng mga senador sa panukalang batas na ang may-akda ay si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, nagkasundo sila sa iisang bersiyon.
Maging ang minorya sa Senado ay hindi tumutol sa panukalang batas ngunit nagkaroon lamang ng ilang amyenda sa bersiyon ng Senado.
Sa naturang pagdinig, kinuha ang opinyon at damdamin ng stakeholders upang magkaroon ng bersiyon na magbibigay ng proteksiyon sa lahat ng kasama ang Indigenous people.
(NIÑO ACLAN)